Inaprubahan na ng House Committee on Human Rights nitong Martes ang panukalang magbibigay proteksyon sa malayang pamamahayag ng relihiyon at pananampalataya.
Maaalalang ang Magna Carta on Religious Freedom Act ay naipasa na ng Mababang Kapulungan sa third and final reading sa nakaraang 18th Congress.
Ayon sa pangunahing may akda nito na si CIBAC Representative Bro. Eddie Villanueva, sa ilalim ng panukalang ito ay mas mahihikayat ang mga Pilipino na mas paunlarin at palakasin ang espirituwal na aspeto ng kanilang buhay sa pamamagitan ng pagprotekta sa karapatang magsagawa ng mga kasanayang pang-espirituwal nang hindi inaalala ang anumang pag-uusig, pagbabanta, o pagparusa.
Dagdag pa ni Rep. Villanueva na isinusulong din nito pagpapalaganap ng anumang paniniwala o relihiyon. Aniya, “This measure also aims to promote a free market of religious ideas in the country where no religion is suppressed or quelled over the other. By leveling the playing field for the propagation of different religions, Filipinos are afforded the full spectrum of varying faiths and the freedom to choose to which they will subscribe.”
Alinsunod sa panukala, ang mga probisyon ay mapapailalim din sa makatuwirang limitasyon. Ang malayang pamamahayag ng relihiyon ay maaaring tanggihan kung ito ay magreresulta sa anumang klase ng karahasan o panganib sa kaligtasan at kaayusan ng publiko.
Matapos ang pagpasa ng komite, dadaan ang panukala sa debate at botohan sa plenaryo ng Kamara bago maipasa ng Senado.