CIBAC: KUNG WALANG FOI, BALEWALA ANG MATAAS NA ‘ANTI-CORRUPTION SCORE’

December 4, 2021

“Iginagalang ng CIBAC ang personal score na binigay ng administrasyon sa paglaban nito sa katiwalian sa gobyerno, pero hindi rito makikita ang tunay na sitwasyon ng bansa.”

Matapos marinig ang pahayag ng isang kinatawan ng Malacañang kung saan binigyan nito ng grado na “8 out of 10” ang programa ng gobyerno laban sa korapsiyon, binigyang-diin ng mambabatas mula sa Citizens’ Battle Against Corruption (CIBAC) Party-List na si House Deputy Speaker Bro. Eddie Villanueva na malayo pa tayo sa pinapangarap nating “corruption-free Philippines.”

Ayon sa CIBAC representative, “Walang masama sa pagbibigay ng grado sa sarili, pero kung ang grado ay hiwalay sa ibang basehan, ito ay nagiging mapanlilang sa taumbayan. Gumanda ba ang rating natin sa Corruption Perceptions Index (CPI) ng Transparency International simula noong 2016? Hindi. Naisabatas na ba ang Freedom of Information (FOI) Act? Hindi.”

Mula 2016 hanggang 2020, umani ang Pilipinas ng 34 hanggang 36 points sa CPI. Ang CPI score ay ibinibigay batay sa paniniwala ng publiko kung gaano ka-talamak ang korapsiyon sa gobyerno (0=napaka-corrupt, 100=napakamatuwid). Mula sa 179 na mga bansa at teritoryo, nasa ika-110 pwesto pababa ang PIlipinas noong 2020, kahanay ng mga lugar sa sub-Saharan Africa tulad ng Eswatini, Sieerra Leone, at Niger. Naniniwala ang CIBAC na mapapaganda ang ranking na ito sa pamamagitan ng pagsasabatas ng FOI.

Tinaguriang “FOI champion” sa Kongreso, matagal nang pinangungunahan ng CIBAC ang panawaganan para sa pagsasabatas ng naturang bill.

“Sasang-ayon lang kami sa ‘8 out of 10’ na score, o kahit higit pa, kung pangungunahan ng Pangulo ang pagsasabatas ng FOI. Sa pamamagitan nito, mabibigyan ng kaalaman ang taumbayan ukol sa iba’t ibang transaksyon ng pamahalaan, na siya namang magbibigay-daan upang matanggal ang mga tiwaling kawani ng gobyerno,” dagdag ni Villanueva.

Gagawing mandatory ng FOI Act ang pagsasapubliko ng mga dokumento at transaksyon ng lahat ng ahensya ng gobyerno, maliban kung ang mga ito ay mga impormasyong kailangang protektahan ayon sa batas – tulad ng mga may kinalaman sa national security, right to privacy on personal and sensitive information, trade and financial secrets, at privileged communication.

“Hanggang ngayon, naghihintay pa rin ang CIBAC na i-certify as urgent ng Pamahalaang Duterte ang pagsasabatas ng FOI. Huling taon na ng administrasyon, pero wala pa ring aksyon patungkol dito. Ang totoong paglaban sa korapsyon ay makikita sa gawa; walang kwenta ang puro lang salita. Panahon na upang isabatas ang FOI,” pagtatapos ni Villanueva.

Related Topics

Share This