Kongresista ng CIBAC Party-List, nanumpa sa harap ng mga Kapampangan  

December 4, 2021

Opisyal na isinagawa ang panunumpa sa tungkulin ni Citizens’ Battle Against Corruption (CIBAC) Party-List 2nd nominee Representative Domeng Rivera sa harap ng mga Kapampangan ngayong umaga sa Floridablanca, Pampanga.

Si Congressman Rivera ay nanumpa sa harap ni Floridablanca Mayor Darwin Manalansan kasabay sa flag ceremony ng pamahalaang lokal ng bayan ng Floridablanca. Ang nasabing seremonya ay dinaluhan ng mga kawani ng pamahaalang bayan, multi-sectoral groups, Body of Christ ng Pampanga at ng mga scholars at coordinators ng CIBAC mula sa iba’t ibang panig ng lalawigan.

Pormal na nagpasalamat si Congressman Rivera sa lahat ng mga Kapampangan na tumulong, sumuporta at bumoto sa CIBAC Party-List nitong nakaraang eleksyon dahilan upang maging number 1 na party-list hindi lamang sa bayan ng Floridablanca bagkus sa buong lalawigan ng Pampanga. Gaya sa Floridablanca, nanguna din ang CIBAC sa mga bayan ng Bacolor, Sta. Rita, Magalang, San Simon at San Fernando City.

“Pinili kong gawin ang aking panunumpa dito sa dakilang lalawigan ng Pampanga bilang simbolo ng aming taos-pusong pasasalamat sa lahat ng Kapampangan sa suporta at tiwala na ibinigay ninyo sa CIBAC Party-List nitong nakaraang eleksyon. Sa ngalan ng aming 1st nominee CIBAC Representative na si Congressman Bro. Eddie Villanueva, tanggapin ninyo ang aming nag-uumapaw na pasasalamat,” pahayag ni Congressman Rivera sa kanyang pananalita.

Maaalalang nagwagi bilang pang-apat na party-list sa buong bansa ang CIBAC Party-List kung kaya ito ay nakakuha ng dalawang upuan sa Kongreso. Ang 1st nominee Representative naman ng CIBAC na si Congressman Bro. Eddie Villanueva ay nanumpa nitong nakaraang lingo sa lalawigan ng Bulacan, kung saan nanguna din ang CIBAC Party-List.

“Asahan po ninyong mas lalo naming pag-iibayuhin ang paglilingkod sa ating mga kababayan lalo na sa mga minamahal nating Kapampangan. Sisiguraduhin po natin na ang CIBAC ay magiging kaagapay ninyo tungo sa mas maganda at maunlad na kinabukasan,” dagdag pa ni Rivera.

Nito ding nakaraang lingo, pinasimulan na ng CIBAC ang pagtulak sa mga batas na isusulong nito sa Kongreso. Agad na inihain nina CIBAC Representatives Villanueva at Rivera ang kanilang mga panukalang-batas kabilang ang Freedom of Information (FOI) Bill, Whistleblowers Bill, Creation of National Independent Commission on Anti-Corruption (NICAC) Bill, Anti-Corrupt Practices Information and Education Bill, Strengthening of the Ombudsman Bill, Local Budgeting Reform Bill, Anti-Hakot Botante in Barangay Election Bill, Anti-Marital Infidelity Bill, Anti-Immorality, Pornography and Obscenity (IPOD) Bill, at ang Skills Certificate Equivalency Bill.

“Sa unang araw pa lang ng 18th Congress noong nakaraang lingo ay inihain na natin ang ilan sa ating mga panukalang batas. Tinitiyak namin na sa adbokasiya na isusulong ng CIBAC doon sa Kongreso, hindi lamang mga Kapampangan o mga taga-Gitnang Luzon ang makikinabang bagkus ang ating buong bansa” ani Congressman Rivera.

Related Topics

Share This